Dear
Nanay,
Nagulat
ka ‘no? Sinulatan kita! Naaalala mo ba dati no’ng bata ako, lagi kitang
binibigyan ng card at small gifts kapag Mothers' Day saka ‘pag birthday mo?
Pero tumigil ‘yon no’ng tumigil din ‘yong appreciation mo sa mga ginagawa ko.
‘Nay, bakit gano’n? Valedictorian ako no'ng grumaduate ako ng elementary. Valedictorian din ako no’ng high school. Sa mga competition, hindi man lahat champion, may naiuuwi akong award kahit papaano. No’ng sinabi n’yong kumuha ako ng entrance exam sa UP, sinunod ko kayo kahit sa ibang university ko gustong mag-aral. Pumasa ako sa UPCAT at sa lahat ng college entrance exams na kinuha ko pero ni minsan, ‘nay, hindi n’yo ako nagawang i-congratulate.
Sa tuwing ikukwento mo ‘yong anak ng kumare mong napakatalino, sa tuwing tatanungin mo ako kung kamusta na ang high school batchmates ko na matagal nang grumaduate sa college, sa tuwing babanggitin mo ‘yong mga pamangkin mong naipagpatayo na ng malaking bahay ang mga kapatid mo, marahil insecurities ko itong umiiral dahil pakiramdam ko ay ikinukumpara mo ako sa kanila.
Hindi lingid sa’yo na nagkakaroon kami ng pagtatalo ng kapatid ko pero kahit isang beses, kahit isang beses lang ‘nay, hindi mo ako kinampihan kahit alam mong ako ang nasa tama. Dahil ba bunso s’ya? Alam mo kung paano ako pagsalitaan ni tatay kapag mainit ang ulo n’ya, alam mo kung ano ang tingin sa akin ng mga kapatid n’ya, idagdag pa ang mga tsismis na ginagawa nila, pero ni minsan, ‘nay, hindi mo ako ipinagtanggol. Hindi mo ako ipinagtanggol, ‘nay.
Hindi ako perpektong anak. Marami akong pagkukulang sa inyo. Wala akong inuuwing sweldo tuwing kinsenas o buwan-buwan, hindi ko kayo madala sa abroad gamit ang sarili kong pera, at hindi ko rin kayo maipagpatayo ng malaking bahay. Ang tanging naibigay ko lamang sa inyo, bukod sa kahihiyan at sakit ng ulo, ay ang pagsunod sa kagustuhan n’yong sa UP ako mag-aral at kunin ang kursong gusto n’yo para sa akin. Tinalikuran ko ang pangarap ko sa pag-aakalang mapapasaya ko kayo. ‘Yon lang ang mayroon ako, ‘nay.
Alam kong nand’yan ka lagi para sa ‘kin. Halos wala akong maipipintas sa ‘yo bilang ina. Napakabait mo sa ‘min. Ako ba ang may problema dahil pakiramdam ko kulang pa rin?
Mahal na mahal ko kayo, ‘nay. Kaya kahit na ganito ang nararamdaman ko, hindi ko magawang sabihin sa inyo dahil ayokong lalo kayong ma-disappoint sa akin. Intayin n’yo lang, ‘nay. Makakapagsuot din ako ng Sablay at makikita ng lahat na hindi lang ako isang malanding demonyo na tuyot ang utak. Taon man ang lumipas, titiyakin kong magkakaroon ng Dr. sa simula ng pangalan ko.
Nagmamahal,
Dianne